Asawa ni Omar Maute, arestado sa Iligan City

Photo: Iligan City Police

Bumagsak sa kamay ng pinagsanib na puwersa ng Iligan City PNP at Joint Task Force Ranao ang Indonesian National na asawa ng napaslang na si Omar Maute sa isinagawang operasyon sa Steele Makers Village, Sitio Baraas, Brgy. Tubod, Iligan City.

Ayon kay Police Senio Supt. Leony Roy Ga, nakatanggap sila ng impormasyon na naroroon sa lugar ang suspek na si Minhati Midrais Maute alyas ‘Baby’ kaya kaagad silang nagkasa ng operasyon.

Photo: Iligan City Police

Nakuha ng mga awtoridad mula rito ang kanyang expired na Indonesian passport.

Bukod dito, dinala rin ng pulisya at militar ang anim na anak ni Omar kabilang na ang dalawang lalaki at apat na babae na may edad 12, 10, 7, 6, 2 at 9 buwan na dadalhin naman sa DSWD.

Nakarecover din ng mga awtoridad ang cellphone mula sa suspek at mga pampasabog sa nasabing bahay.

Sa interogasyon sa naarestong asawa ni Omar, sinabi umano nito na tumira lamang ang mga ito sa lugar kung saan naaresto noong sumiklab ang giyera sa Marawi.

Nabatid na dumating ito sa bahay noon pang 2012 at nag expired ang pasaporte noong 2016.

Sinabi pa ng naarestong asawa ni Omar na magkaklase sila nito sa Egypt at isa itong teacher na posibleng nagtuturo ng extremism base sa kanilang hand sign.

Aalamin pa naman ng mga awtoridad ang kinalaman nito sa Marawi siege.

Ayon naman sa mga kapitbahay, dumating sa lugar ang naarestong asawa ni Maute kasama ang mga bata noong nagsimula ang giyera sa Marawi at umalis naman ang talagang nakatira sa natuang bahay at pumalit ang mga ito.

Read more...