Apat na araw gaganapin ang serye ng pagsusulit simula ngayon at sa November 12, 19 at 26.
Ang bilang ng examinees ngayong taon ay mas mataas sa bilang na naitala sa nakalipas na tatlong taon ayon sa Supreme Court (SC) Public Information Office.
Noong 2014 ay may 6,344 examinees, 7,146 noong 2015, 6,831 noong 2016 habang 7,227 naman ang eksaktong bilang ng kukuha ngayong taon.
Kada Linggo, dalawang subject ang nakatakdang sagutan ng mga estudyante.
Kabilang sa mga subjects ang Political Law, Civil Law, Taxation, Labor Law, Mercantile Law, Criminal Law, Remedial Law at Legal and Judicial Ethics.
Bubuksan ang trangkahan ng UST ganap na alas-5 ng umaga at alas-12 ng tanghali tuwing araw ng exam at isasara 30 minuto bago magsimula ang examination time.
Hindi na papayagan ang sinuman na pumasok sakaling isara na ang gates maliban kung papayagan ng Bar Chairman o ng Bar Confidant.
Ang chairman ng 2017 Bar Examination ay si Associate Justice Lucas Bersamin.
Samantala, nakastandby na rin ang Manila Police District para siguruhin ang seguridad at kaligtasan ng Bar examinees.
Nasa 775 na pulis ang idineploy sa labas at loob ng UST Campus.