Ateneo Blue Eagles, nananatiling walang talo sa UAAP

Bigo pa rin na makasungkit ng panalo ang UST Growling Tigers matapos muling mailampaso ng Ateneo Blue Eagles sa kanilang laban sa UAAP Men’s Basketball kahapon sa Araneta Coliseum.

Wagi ang Blue Eagles kontra Growling Tigers sa iskor na 102-83.

Dahil dito, 12-0 na ang win-loss record ng Ateneo habang nananatiling walang panalo ang UST na mayroon nang 13 sunud-sunod na pagkatalo.

Agresibong lumaban ang UST at may mga pagkakataong lumamang sa naging laban kontra Ateneo.

Gayunpaman sa 4th quarter ng laban, nagtulungan sina Matt Nieto at Thirdy Ravena na pabagsakin ang Tigers matapos magtala ng 12-2 na iskor.

Sa huling bahagi ng laban, apat na beses na nagpaulan ng dunk si Ravena dahilan upang lalong lumamang ang koponan.

Nagkaroon pala ng pustahan sina Ravena at ang kanyang ama na si “Bong” na tuwing makakapagtala siya ng dunk ay bibigyan siya nito ng 3,000 piso.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na maaaring matapos ang season ng UAAP na hindi nanalo ang UST ng kahit isang beses.

Gayunpaman, ayon kay UST head coach Boy Sablan, sisikapin nilang manalo sa kanilang huling laban kontra University of the East.

Read more...