Pinawi ng militar ang pangamba ng ilang mga residente sa Marawi City na baka tuluyan nang iwan ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ang nasabing lungsod.
Sinabi ni Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Task Force Ranao na bagaman maraming mga sundalo na ang nakauwi sa kani-kanilang mga pamilya ay marami pa rin naman ang naiwan sa Marawi City.
Sapat umano ang kanilang bilang para pangalagaan ang mga residente at bantayan na rin ang gagawing rehabilitasyon sa lungsod.
Hindi rin umano dapat paniwalaan ang pahayag ng nahuling Indonesian terrorist na si Muhammad Ilham Syaphutra na mayroon pang mahigit sa 40 ang bilang ng mga Maute fighters sa main battle area.
Kung meron man ay higit na mas mababa doon ang bilang ayon pa kay Brawner.
Minaliit na rin ng opisyal ang kakayahan ng Maute group na makapaglungsad ng ganoon kalaking pagsalakay sa iba pang lugar sa Mindanao o kahit saang panig man ng ating bansa.