Bukas, November 5 ang magiging unang araw ng Bar exams para sa mga nais maging abogado, na gaganapin sa loob ng apat na Linggo ng kasalukuyang buwan.
Ayon kay Manila Mayor Joseph Estrada, inatasan na niya si Manila Police District director Chief Supt. Joel Coronel na mas padamihin pa ang mga ipapakalat na pulis sa paligid ng UST.
Ito aniya ay upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga kukuha ng Bar exams, pati na sa kanilang mga kasama.
Layon aniya nilang maging “trouble-free” ang Bar exams ngayong taon tulad ng nangyari noong nakaraang taon.
Ayon kay Coronel, aabot sa 775 na pulis ang ipapakalat sa loob at labas ng UST campus para bukas.
Magpapatupad rin ng liquor ban sa mismong araw ng Bar exams upang maiwasan ang gulo.
Samantala, ire-reroute naman mula 4:00am hanggang 7:00am at 4:00pm hanggang 7:00pm ang trapiko sa lane ng papuntang Quiapo sa España Boulevard.
Ipagbabawal naman ang parking sa mga kalsada sa paligid ng UST tulad ng España, Dapitan, P. Noval at Lacson.
Kabuuang 7,227 ang bilang ng mga inaasahang kukuha ng Bar exams ngayong taon.