Nagbitiw bilang food security czar si dating Senator Kiko Pangilinan.
Ayon kay Pangilinan, ang pagbibitiw niya bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization ay isinumite niya kay Pangulong Benigno Aquino III noon pang nakaraang linggo.
Epektibo aniya ang kaniyang resignation sa September 30, 2015.
Sinabi ni Pangilinan na dalawang linggo bago ang kaniyang pagsusumite ng resignation letter ay inabisuhan na niya si Pangulong Aquino sa kaniyang plano.
Hindi naman sinagot ni Pangilinan kung ang kaniyang pagbibitiw sa pwesto ay may kinalaman sa kaniyang planong magbalik-pulitika sa 2016 elections.
Aniya ang kaniyang balak sa 2016 ay iaanunsyo niya sa ‘tamang panahon’.
Samantala, kinumpirma naman ng Malakanyang ang pagbibitiw ni Pangilinan.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Usec. Abigail Valte, tinanggap ni Pangulong Aquino ang resignation ni Pangilinan noong September 11.
Matagal nang napabalita na may mga miyembro ng gabinete na nakatakdang magbitiw sa puwesto kabilang na si Pangilinan para paghandaan ang kanilang political ambition sa 2016.
Si Pangilinan ay inaasahang tatakbo muli sa senado sa ilalim ng administration ticket.