Heavy equipment sinunog ng hinihinalang NPA sa Occidental Mindoro

 

Pinaghihinalaang mga miyembro na naman ng New People’s Army (NPA) ang responsable sa pagsusunog ng mga heavy equipment na pag-aari ng isang construction company sa Occidental Mindoro.

Ayon kay Capt. Chris Cuenca ng Philippine Army 203rd Brigade, nasa 20 hanggang 30 komunistang rebelde ang sumugod sa compound ng Bluemax Tradelink Inc. sa Barangay Malawaan, sa bayan ng Rizal.

Sinamantala aniya ng mga rebelde ang kawalan ng tao dahil sa holiday at pagiging abala ng mga otoridad sa Undas.

Dinisarmahan pa aniya ng mga rebelde ang mga security guards ng kumpanya bago nila sinunog ang isang generator set, ang control house pati na ang grinding machine nito.

Sa kabutihang palad, wala namang nasaktan sa pangyayari.

Nagkataon naman ani Cuenca na mayroong mga sundalong naka-istasyon malapit sa lugar nang maganap ang insidente, kaya hinabol ng mga ito ang mga nagpulasang rebelde.

Nagkaroon pa ng sandaling engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at miyembro ng NPA.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pursuit operations ng mga otoridad laban sa mga rebelde.

Read more...