4 na miyembro ng “Termite Gang,” laya uli matapos makapagpyansa

 

Pansamantalang nakalaya ang apat sa limang suspek sa pagnanakaw sa isang bangko sa Quezon City na sinasabing mga miyembro ng “Termite Gang” matapos makapaglagak ng pyansa.

Sina Alyson Aligan, Melbert Bautista, Geraldine Bawas at Ambrose Rex Layao ang mga suspek na nanloob at nagnakaw ng tinatayang nasa P7.6 milyong halaga ng pera at kagamitan mula sa isang branch ng Chinabank sa Quezon City noong nakaraang buwan.

Unang nakapagpyansa sina Bawas at Layao, na sinundan naman nina Aligan at Bautista matapos maglagak ng P12,000 para sa kasong robbery.

Sina Aligan at Bautista ay naglagak din ng P120,000 na pyansa para naman sa kasong illegal possession of firearms.

Samantala, nananatili pa namang nakakulong ang isa pa nilang kasamahan na si Jordan Duldualo dahil siya ay nakasuhan ng illegal possession of explosives na pawang non-bailable.

Matatandaang pinasok nila ang nasabing bangko sa kanto ng Commonwealth Avenue at Camaro street sa Barangay Greater Fairview noong Setyembre.

Nagawa ito ng mga suspek sa pamamagitan ng paghuhukay ng isang tunnel mula sa kanal patungo na mismo sa loob ng bangko.

Read more...