Matapos ang “Stop the Killings”, “Start the Healing”, ilulunsad ng Simbahan

 

Inquirer file photo

Matapos ang “Stop the Killings” campaign ng Simbahang Katolika na inilunsad upang manawagang itigil ang kabi-kabilang patayan, ilulunsad naman ang panibagong kampanyang “Start the Healing” sa November 5.

Sa isang pahayag na inilabas ng Archdiocese of Lingayen- Dagupan, inaanyayahan ang mga mananampalataya at ang mga komunidad na makilahok sa ikalawang bugso ng pananalangin para sa mga biktima ng ‘di umanoy extra judicial killings.

Magsisimula ito sa November 5 hanggang December 8, ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Birheng Maria o ang Immaculada Conception.

Sa loob ng tatlumpung araw ay hinihimok ang bawat isa na dasalin ang rosaryo at tumanggap ng banal na Komunyon para sa kapayapaan ng mga kaluluwa ng mga napatay at sa ikagagaling ng bansa.

Ilulunsad ito sa isang misa na gaganapin sa EDSA Shrine sa November 5, ikatlo ng hapon.

Tatawagin ang araw ng Linggo na ito bilang “Lord Heal our Land Sunday.”

Matapos ang misa ay gaganapin ang isang prusisyon ng imahe ng Our Lady of Fatima na dinala noong 1986 People Power Revolution sa EDSA.

 

Read more...