Fil-Am, arestado sa PDEA raid sa Mandaluyong, ecstasy at shabu nasamsam

 

Arestado ang isang Filipino-American at lima iba pa sa isang drug raid ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium unit sa Mandaluyong City.

Kinilala ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino ang suspek na si Dennis Ray Aguilar Thieke, residente ng Tivoli Garden Residences sa Mandaluyong.

Nakuha sa suspek ang 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000 pesos, 36 tablets ng ecstacy na nagkakahalaga ng P13,200 pesos, limang sachet ng cocaine na nagkakahalaga ng P30,000, 50 gramo ng marijuana at M4 booster.

Nakuha din sa condominium ni Thieke ang ilang mga laboratory apparatus.

Nahaharap si Thieke sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala dalawang suspek ang naaresto matapos na tangkain suhulan ang mga operatiba ng PDEA na nagkakahalaga ng isang milyong piso kapalit ng paglaya ni Thieke.

Kinilala ang mga suspek na sila Engineer Felicisimo Aguilar Jr. 54, tiyuhin ng unang suspek, at Daniel Cajape 32, na isang Brgy. Kagawad sa Dinalupihan Bataan, na naaresto sa loob ng compound ng PDEA.

Tinago ng mga suspek ang pera sa ilalim ng mga burger.

Ang dalawa ay nahaharap sa paglabag sa corruption of public officer.

Read more...