FREE SPITS ni Ira Panganiban

NOONG nakaraang sabado ay sinundo ko sa NAIA Terminal 2 ang aking matandang Auntie galing ng San Francisco, USA. Bihira ako sumundo sa airport dahil mas madalas ako ang galing sa biyahe at nasanay na ako sa Park and Fly para sa maiiksing travel o Uber kung kailangan ko ng taxi. Ang huling sundo ko sa airport ay may sampung taon na ang nakaraan at sobrang gulo sa airport noon. Walang pinagbago ang sistema hanggang ngayon. Madami pa din ang sumasalubong, ipon pa din sila sa bungad ng exit at wala pa ding marunong pumila maging kotse of tao man. Habang nakapila kami para pumasok sa parking lot kasabay ng marami pang iba, may dalawang Pilipina na may tunog Amerikano sa pananalita ang nagsabing “let’s go straight to the front, no need to fall in line, we’re in Manila na.” Agad ako sumagot ng “of course you have to fall in line, lumabas lang kayo ng Amerika at pumasok ng Pilipinas ok na maging bastos ulit?” Dahil napahiya, bumalik sa linya ang dalawang babae pero yung Isa humirit pa ng “eh di ba ganito kayo dito!” Sa puntong ito ako napaisip, bakit ganun ang sagot ng babae? At bakit kayo hindi tayo. Sa pag-uwi sa bahay tahimik kong nilaro sa isip ko Ang insidente at naisip ko na ganun nga ba ang tingin ng mundo sa atin? Kaya ba pag pumasok ang mga Intsik, Hapon, Koreano, Briton, Amerikano, Aleman at iba pang nationalities ay magaspang ang ugali nila sa atin? Kaya ba wala na din silang disiplina dahil tayo mismo na nakatira dito ay hindi nila makitaan ng kaayusan? Kaya ba marami sa kanila ay dito ginagawa ang mga iligal na bagay tulad ng pagluto ng shabu, paggamit ng mga kababayan natin bilang drug mules, tambakan ng basura at mga second hand na mga kagamitan? Inisip ko, hindi kaya yung ugali na dala ng mga Pilipina mismo pabalik ng bansa ay ugaling iniwan nila dito dahil dito lang yun puwede gawin? Dahil kung ganun, nasa atin talaga ang problema. Kung lahat ng tao, Pilipino man o dayuhan, ay may disiplina at takot sa batas sa ibang bansa pero pag pasok dito ay wala na, di kaya nandito sa sistema natin ang ugat ng sakit ng ulo? Kung yung tinatawag ni Senador Panfilo Lacson na simple disciplines tulad ng pagtawid sa tamang lugar, paglinis ng harap ng bakuran o ang pag-pila ay hindi natin magawa, papaano na yung mas malalaking responsibilidad. Sa Singapore, sinimulan ni Lee Kwan Yew ang pagpapaunlad ng maliit na bansang iyon sa pamamamagitan ng pagpapatupad ng small disciplines. Bawal dumura sa kalye, magtapon ng upos ng sugarilyo sa kalye o ngumuya ng chewing gum. 35 years later, ang Singapore ay isa sa business centers ng Asya. Tayo sa Pilipinas? 35 years later ay sick man of Asia pa din. Ano kaya gamot sa atin eh pila pila lang di pa natin kaya.

 

Read more...