12 ginto para sa Pinas sa SEA Games

GUMAWA ng bagong record si Caleb Stuart para pangunahan ang paghakot ng gintong medalya ng Pilipinas kahapon sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.

Naihagis ng Fil-Am na si Stuart ang hammer sa layong 65.63 metro upang burahin ang dating SEAG record na 62.23 metro na ginawa ni Tantipong Phetchaiya ng Thailand noong 2013 sa Myanmar.

Sa report ng Inquirer Bandera, humataw din sa athletics ang mga Fil-Ams na sina Eric Shauwn Cray at Kayla Richardson nang walisin nila ang men’s at women’s 100-meter dash.

May 10.25 segundo oras si Cray habang si Richardson ay naorasan ng 11.76 segundo para sa magarang panimula ng athletics team na nagsabing kukuha ng hindi bababa ng walong ginto sa kompetisyon.

Inaasahang madaragdagan pa ang ginto nina Stuart at Cray dahil ang una ay lalaro pa sa shotput at discus throw habang ang huli ay paborito sa 400m hurdles.

Nabigo naman si pole vaulter EJ Obiena sa tankang ginto nang pumangalawa lamang sa naitalang 5.25m marka. Ang ginto ay kinuha ni Porranot Purahong na gumawa rin ng bagong SEAG record na 5.30m.

Samantala, nakuha ni Chezka Centeno ang kanyang kauna-unahang ginto sa women’s 9-ball singles nang tinalo ang kababayang si Rubilen Amit, 7-5, sa final match habang si Reyland Capellan naman ay nagkampeon sa men’s artistic all-around event sa gymnastics.

May 14.733 puntos si Capellan para wakasan ang 10 taon na hindi nakakakuha ng ginto ang bansa sa gymnastics dito.

Sa limang gintong hinakot, ang Pilipinas ay umakyat sa ikaanim na puwesto tangan ang 12 ginto, 17 pilak at 26 bronze medals.

Ang Myanmar ay bumaba sa ikapito sa 10-16-18 medal tally.

Patuloy pa rin ang pangunguna ng host Singapore sa 47 ginto, 40 pilak at 34 bronze tally at lamang sila ng 10 ginto sa pumapangalawang Thailand na may 37-39-34.

Ang Vietnam (31-15-36) ay nasa ikatlong puwesto habang ang Malaysia (21-25-30) at Indonesia (17-18-36), ang nasa ikaapat at ikalimang puwesto.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng medalya ng Pilipinas dahil walong boxers ang sasalang sa finals ngayon bukod sa pagpapatuloy ng athletics competition./ Inquirer Bandera

Read more...