Ayon kay SSS chair Amado Valdez, nagbitiw sa pwesto ‘without prejudice’ si equities investment division chief Reginald Candelaria.
Bukod kay Candelaria, naghain na rin ng resignation si chief actuary George Ongkeko Jr., ngunit sa Disyembre pa ito tatanggapin dahil sa mga nakabinbin pa niyang advisory work.
Kabilang sina Candelaria at Ongkeko sa apat na mga opisyal na ni-reassign ng SSS.
Sila ang namamahala sa portfolio ng SSS sa kabila ng mga alegasyon na nakinabang umano sila mula sa kanilang mga posisyon sa pamamagitan ng pagbebenta ng trading personal stock market accounts.
Samantala, na-relieve naman ang vice president for investments na si Rizaldy Capulong, at equitites product development head Ernesto Francisco Jr.
Sa ngayon ay nahaharap sila sa imbestigasyon kaugnay ng kanilang mga investments sa shares ng stock.
Una nang inakusahan ni SSS Commissioner John Gabriel La Viña ang mga naturang opisyal ng mga umano’y “serious dishonesty” at “grave misconduct.”
Partikular na binanggit ni La Viña ang umano’y “profiteering” ng mga ito sa stock market trading.
Sa ngayon, ang head ng internal audit muna ng SSS ang hahawak sa malaking investment portfolio ng ahensya, na inatasan ding panatilihing sealed ang records para makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.