Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs na hindi na dapat pang magpa-reschedule ang mga nakatakdang magpa-renew ng kanilang mga pasaporte mula November 13 hanggang 15.
Ito ay makaraang maideklarang special non-working days ang nasabing mga petsa.
Sinabi ng DFA na tatanggapin ang mga magpapa-renew ng mga pasaporte sa nasabing petsa sa pagitan ng November 16 hanggang 29 sa iba’t ibang mga consular offices sa bansa.
Nauna dito ay sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa pagitan ng November 13 hanggang 15 para magbigay daan sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa bansa.
Para naman sa mga gustong ngayon pa lamang kukuha ng pasaporte ay magbubukas ang tanggapan ng DFA sa Aseana sa November 18, araw ng Sabado mula 8 a.m hanggang 4 p.m.
Pero magpapatupad ng special rate ang DFA sa nasabing petsa na nagkakahalaga ng P1,200.
Nauna na ring sinabi ng DFA na sa January 1, 2018 ay magiging epektibo na ang 10-year validity ng mga kukuha at magpapa-renew ng mga pasaporte.
Pero limitado lamang ang sampung taon ng passport sa mga Pinoy na may edad 18-anyos pataas.