Paulit-ulit na iginiit ng isang traffic police na hindi siya sangkot sa pangingikil matapos matimbog sa ikinasang entrapment operation ng Quezon City Police District District Special Operations Unit o QCPD-DSOU.
Ayon sa complainant na si Samsom Gargaritano, Vice President for Operation ng HM Transport Inc., naaksidente ang isa sa mga bus unit ng kanilang kumpanya noong gabi ng October 23 at inimpound ito sa himpilan ng QCPD.
Nakausap ni Gargaritano ang rumespondeng traffic police na si SPO3 Achilles Magat at sinabi umano nito na para mapadali ang pag-release ng kanilang bus unit at lisensya ng bus driver ay magbayad na lamang sa kanya ng labinglimang libong piso.
Dito na nakipag-usap si Gargaritano sa mga otoridad na sila namang nagkasa ng entrapment operation.
Gabi ng October 31 ay pumunta si Gargaritano sa opisina ni Magat sa loob mismo ng Camp Karingal para isagawa ang transaksyon.
Pumayag pa si Magat na babaan ang babayaran hanggang sa sampung libong piso.
Kwento pa ni Gargaritano, binuksan ni Magat ang kanyang desk drawer at ipinalagay sa kanya ang envelope na naglalaman ng pera.
Matapos ang transaksyon ay lumabas na ang dalawa para umano iturnover ang bus unit pero dito na dumating ang mga operatiba ng DSOU at hinuli si Magat.
Mariing naman itinanggi ni Magat ang akusasyon ni Gargaritano.
Samantala, ayon kay Senior Inspector Paterno Dumondon Jr. ng DSOU, base sa kanilang pag-iimbestiga ay hindi ito ang unang beses na nangikil si Magat.
Aniya, alam na ni Magat ang mga pasikot-sikot para hindi magkaroon ng ebidensya laban sa kanya.
Mahaharap si Magat sa kasong robbery extortion.