Bago mag-alas 10:00 ng gabi lumapag ang eroplanong sinakyan ng presidente sa Davao City.
Kahit tila pagod sa kaniyang naging biyahe, nakapaglaan pa ang presidente ng panahon para maharap ang mga mamamahayag.
Ibinida naman ni Pangulong Duterte na ang kaniyang pagbisita sa Japan ay maituturing na “most productive and engaging” sa kaniyang mga naging biyahe.
Nakipagpulong kasi siya kay Prime Minister Shinzo Abe kung saan napag-usapan aniya nila ang lalo pang pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Japan.
Bukod dito, kasama ng kaniyang common-law wife na si Honeylet Avaceña, personal niya ring nakaharap sina Emperor Akihito at Empress Michiko.
Sa pagbisita ng pangulo sa Japan, nakapag-uwi siya ng bilyong dolyar na halaga ng mga investments, bukod pa sa pangako ng bansa na tulong sa pakikiisa sa laban ng Pilipinas kontra terorismo.
Nakaharap din ng pangulo ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Japan.