LGU pa rin ang may-ari ng mga isasapribadong mga palengke sa Maynila

 

Kuha ni Ricky Brozas

Siniguro ng lokal na pamahalaan ng Maynila na protektado pa rin ang mga vendor sa mga palengke sa lungsod sa joint venture agreement ng siyudad sa mga pribadong kumpanya para sa pagsasaayos ng mga pampublikong pamilihan.

Iyan ang sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada sa harap ng kanyang dayalogo sa mahigit dalawandaan at limampung mga market vendor mula sa ibat-ibang mga pamilihan sa Lungsod ng Maynila na apektado ng privatization ng mga palengke.

Nilinaw ng kampo ni Erap sa pamamagitan ng Secretary to the Mayor na si Atty.Edward Serapio na bagaman papasok ang lungsod sa kasunduan sa private sector ay ang lokal na pamahalaan pa rin ang nag-mamay-ari ng mga palengke.

Ito’y dahil hindi naman aniya ibebenta ng lungsod ang lupang kinatitirikan ng mga palengke.

Maliban dito,sinabi ni Serapio na ang magiging komposisyon ng governing board ng palengke ay dalawa mula sa administrator ng palengke na kakatawanin ng pribadong sektor,dalawa mula sa vendors at isa mula sa Lungsod.

Nangangahulugan aniya, na mayorya ng miyembro ng governing board ng pamilihan ay mula sa vendor at lungsod ng Maynila.

Una nang Inalmahan ng mga tindero at tindera sa ibat-ibang pamilihan ang pagsasapribado ng mga palengke sa pangambang mawawalan sila ng hanapbuhay o di kaya naman ay taasan ang renta nila sa puwesto.

Pero paglilinaw ni Erap,walang umento sa upa sa puwesto sa palengke sa loob ng dalawang taon at iyon aniya ay nakasaad sa kasunduan ng lokal na pamahalaan sa pribadong sektor.

 

 

Read more...