Patay ang apatnapung mga tauhan ng Afghanistan Security Forces makaraang lusubin ng mga Taliban fighters ang isang kulungan sa Ghazni City na nagresulta rin sa pagtakas ng may 400 mga bilanggo.
Sinabi ni Ghazni Deputy Governor Mohammed Ali Ahmada na dalawang suicide bombers ang lumapit sa main gate ng bilangguan at bigla nilang pinasabog ang kanilang mga sariling katawan.
Nawasak ang gate sa lakas ng pagsabog na kaagad na sinundan ng paglusob ng mga armadong Taliban.
Kaagad na pinuntahan ng teroristang grupo ang mga selda na kinalalagyan ng mga bilanggo at saka sila pinatakas.
Kinumpirma ni Taliban spokesman Zabihullah Mujahia na aabot sa 400 mga bilanggo ang kanilang pinatakas kabilang dito ang 150 na mga Taliban fighters.
Nagbanta rin ang grupo na magpapatuloy ang kanilang mga pag-atake haggang sa mapabagsak nila ang pamahalaan ni Afghan President Ashaf Ghani.
Nagbanta rin ang Taliban na ipagpapatuloy nila ang pagdukot sa mga dayuhan sa Afghanistan kabilang na ang mga foreign journalists.