Bilang mga mga pasahero sa Araneta Bus Terminal, normal pa

Nananatiling normal ang dami ng mga dumadating na pasahero sa Araneta Bus Terminal patungo sa iba’t ibang probinsiya para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay Fernando Eligio, LTO-NCR Law Enforcement Unit Section chief, karamihan sa mga dumarating na bus ngayon ay mga galing ng probinsiya.

Inaasahan naman aniya ang pagdagsa ng mga pauwing pasahero mamayang hapon.

Dagdag pa ni Eligio, wala pang kakulangan ng bus batay sa ulat ng mga bus liner at dispatchers.

Wala pa rin aniyang aksidente at aberya na nararanasan maliban sa pagpigil ng LTO sa pagbiyahe ng limang bus, kahapon.

Paliwanag nito, batay sa inspeksyon ng ahensya, pudpod na ang gulong ng mga naturang bus kung kaya’t ipinag-utos ng LTO na palitan muna ang gulong o mismong bus unit bago bumiyahe.

Wala pa ring naiuulat na nakulimbat o nakumpiskang matatalim na bagay o anumang mga ipinagbabawal na dalhin sa biyahe sa pag-iinspeksyon ng otoridad ng terminal.

Samantala, tiniyak naman ng opisyal na kontrolado ng mga naka-antabay na otoridad ang sitwasyon sa terminal.

Patuloy ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Philippine National Police, MMDA, at Philippine Red Cross para mapanatiling ligtas at mapayapa ang pagbiyahe ng mga pasahero ngayong Undas.

Makikitang nakahanda ang first aid station, public assistance desk at maging ambulansya sa bisinidad ng terminal.

Samantala, kung ang mga pasahero ay gipit na sa oras ng pagbili ng bulaklak, mayroon na ring naglalako sa terminal na nagkakahalaga ng 300 pesos.

Sa mga biyahe naman ng mga bus, sinabi ng Valisno bus line na may biyahe papuntang Iloilo na matumal pa ang booking at mga bilang ng mga pasahero.

Hindi rin anila tiyak kung ngayong araw o bukas dadagsa ang mga pasahero.

Habang sa Silver Star naman na may biyaheng Samar, Leyte at Bicol, fully booked na sila hanggang bukas, araw ng Lunes.

Bunsod nito, inaabisuhan ang mga pasaherong hindi pa nakakapagpabook ng mas maaga na dumeretso na lang sa mismong terminal ng mga naturang bus companies.

Read more...