Hindi sang-ayon si Pangulong Benigno Aquino III sa mga panukala sa Kongreso na naglalayong bawasan ang singil sa buwis o income tax.
Sa panayam kay Pangulong Aquino sa Iloilo City, sinabi nito na hindi siya kumbinsido dito dahil kapalit nito ay ang pagdadagdag ng buwis tulad ng Value-Added Tax at buwis sa langis.
Aniya, ang epekto ng nasabing alternatibo ay mas mataas na pamasahe, kuryente at iba pa.
Bukod dito, itinuturing ni Pangulong Aquino ang pagbubuwis sa petrolyo na ‘regressive’ at hindi ‘progressive’ tulad ng hinihingi sa batas.
Kailangan pa aniyang alamin kung makaka-apekto ang bawas sa income tax sa pagbibigay ng credit rating ng mga credit rating agency dahil palalakihin nito ang deficit ng bansa.
Dagdag ni Pangulo na naipangako niya noong kanyang kampanya na hindi siya magtataas ng buwis at sa halip ay magiging masinop sa koleksyon ng mga tax na nasa batas na.