Jinggoy Estrada, nagpaalam na sasamahan ang ama sa abroad para magpagamot

Matapos payagang pansamantalang makalaya, ngayon ay naghain ng mosyon si dating senador Jinggoy Estrada para payagan ng Sandiganbayan na lumabas ng bansa at samahan ang ama na magpapagamot.

Sa tatlong pahinang mosyon na isinumite sa Sandiganbayan Fifth Division, humingi ng permiso si Estrada na makapunta sa Singapore simula November 11 hanggang 20 para samahan si Manila mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na sasailalim sa isang medical procedure para sa kanyang sakit sa likod.

Ayon kay Jinggoy, mayroong appointment ang ama kay Dr. Premkumar Pillay na isang doktor sa Singapore Brain-Spine Nerves Center ng Mount Elizabeth Hospital.

Kasama sa mosyon ang kopya ng liham na may petsang October 26 mula kay Dr. Regina Bagsic ng Cardinal Santos Medical Center na nagpapatunay sa kinakailangang pagpapagamot ni Erap.

Matatandaang tatlong taong nakulong si Jinggoy sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center dahil sa pagkakasangkot nito sa pork barrel scam, kasama ang iba pang mga dating senador na sina Juan Ponce Enrile at Bong Revilla.

Read more...