Sinabi ng mga dating kasamahan sa minority group sa Kamara ni incoming Presidential Spokesman Harry Roque na lumabas rin ang tunay na kulay ng dating mambabatas.
Sa simula pa lamang, sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na duda na siya sa mga posisyon ni Roque sa ilang mga isyu sa Kongreso sa kabila ng pagkakahirang sa kanya bilang Deputy Minority Leader.
Ayon kay Lagman, noon pa man ay nagtataka na siya kung bakit hindi binabatikos ni Roque ang mga human rights violations ng kasalukuyang administrasyong gayung isa umano siyang human rights lawyer.
Nagtataka rin umano si Lagman dahil pabor si Roque sa martial law extension sa Mindanao.
Hindi rin nagustuhan ng kinatawan ng Albay sa Kamara ang naging pagpabor ni Roque ng bigyan lamang ng P1,000 budget ang Commission on Human Rights .
Sinabi naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na tapos na ang pagpapanggap ni Roque dahil lumabas ang tunay na kulay nito bilang propagandista ng pangulo.
Sa ika-51 taong kaarawan kahapon ni Roque sa Davao City ay inihayag ng pangulo ang appointment ng dating mambabatas bilang Presidential Spokesman kapalit ni Usec. Ernesto Abella.
Kamakailan lang ay pinatalsik sa ng kanyang sariling partylist group na Kabayan si Roque dahil sa ilang internal issues.