Dito nagsimula ang kuwento ng “alternative truth” sa kung papaano napatay o pinatay si Zulkifli bin Hir alias Marwan. Ang kuwentong dinugtungan ng mga pahayag ng iba, named and unnamed sources ay nagmula mismo ng Punong Ehekutibo, kay Pangulong Aquino.
Linawin natin na hindi sinabi ng pangulo na ang March 2015 report ng Special Investigative Commission ng Moro Islamic Liberation Front ang tinutukoy niyang “alternative truth”. Yun nga lang, tila nagtutugma ito sa “alternative truth” dahil sa kung babasahin ang nilalaman ng MILF-SIC report, ito ay direktang bumabangga sa version ng PNP-Special Action Forces lalo na sa punto sa kung paano napatay si Marwan. Hindi mahirap sa malilikot ang isip na pagdugtungin ang dalawa lalo pa’t wala pang katiyakan ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Nang makausap ko si MILF Chief Negotiator Mohagher Iqbal, sinabi niya na ayaw niyang magtunog pulitikal ang kanyang pahayag at para sa kanya, walang “alternative truth” at ang mayroon lamang daw ay ang “only truth” na nalaman ng kanilang itinatag na SIC.
Linawin din natin, hindi rin sinabi ni Iqbal na ang nilalaman ng MILF-SIC report ang “alternative truth” na pinatutungkulan ni Pangulong Aquino.
Ngunit may isang bahagi sa report na katulad ang panig o salaysay ng PNP-SAF sa mga nakalap ng investigating team ng MILF-SIC at ito ay malinaw na paliwanag sa kung paano namatay ang 44 na SAF na karamihan at kabilang sa 55th-SAC o blocking force ng PNP-SAF na bahagi ng Oplan Exodus.
At ito ay ang reckoning sa oras na tumindi ang bakbakan sa bahagi ng maisan na kung saan napatay ang karamihan sa SAF-44 at kung kailan humupa na ang putukan at halos wala ng sumasagot sa panig ng tropa ng pamahalaan, lampas ng alas dose, mag-aala-una ng hapon ng ika-25 ng Enero.
Alas kuwatro beinte ng umaga nang magsimula ang palitan ng putok. Ala una na ng hapon ng hapon ay wala nang gumaganti ng putok sa panig ng tropa ng PNP-SAF. Sa Senate hearing tungkol sa Mamasapano, isa ito sa mga hindi malilimutang pahayag nang sabihin ng isang opisyal ng PNP-SAF na wala nang sumasagot sa kanya sa “radio communications” bandang ala una ng hapon.
Ilang oras ba ang pinag-uusapan natin mula alas kuwatro ng umaga hanggang ala una ng hapon? Siyam na oras. Anong oras nakapagbuga ng white phosphorous ang pinakamalapit na tropa ng Hukbong Sandatahan? Alas kuwatro y medya na ng hapon.
The question demands a direct answer now more than ever as the president himself was the one who offered a version of an “alternative truth” on what really happened during that fatal day of January 25, 2015 in Mamasapano, Maguindanao.
Maipakikita ng pangulo ang kanyang tunay na malasakit sa alaala at sakripisyo ng mga namatay na opisyal at tauhan ng PNP-SAF kung ang paglalantad ng buong katotohanan ay hindi lamang sa kung sino ang pumatay o kung paano nga ba namatay si Marwan na siyang pangunahing target ng operasyon.
Ang pangulo ang bumuhay sa usapin. Kung bakit at ano ang motibasyon ay siya na nagsalita tungkol dito ang siya lamang nakaaalam.
May mga bagay na nahahayag na hindi nadadaan sa salita o sa kilos o sa gawa. Itago man, lalabas at lalabas din. Malinaw na anuman ang motibasyon o intensiyon sa pagbuhay muli ng usaping ito, ang kuwento ng Mamasapano anuman ang hugis o kulay ng katotohanang kaakibat nito ay isang bagay na dadalhin ng pangulo hanggang sa huli.
Sa kanya din natin ito unang nadinig. Kahit papaano, nakita natin na alam din niya ang mga kuwentong tunay na hindi natin malilimutan at kung paano natin tatandaan ang kanyang pamamahala bilang pangulo.