Malugod na binati ni dating Health Secretary Paulyn Ubial ang nagbabalik bilang kalihim ng Department of Health na si Francisco Duque III.
Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque bilang DOH secretary, kapalit ni Ubial na bigong makalusot sa makapangyarihang Commission on Appointments o C.A.
Sa kanyang post sa social media, sinabi ni Ubial na “I congratulate my boss!”
Ani pa Ubial, susuportahan niya si Duque, gaya ng ginawang pagsuporta sa kanya noon ng reappointed DOH chief.
Isa lamang si Duque sa mga naging ‘boss’ ni Ubial sa DOH sa loob ng kaniyang ilang taon nang panunungkulan sa ahensya.
Maging ang anak ni Ubial na si Karl Ubial ay nagpost din sa social media upang batiin si Duque na aniya’y “good cabinet appointee.”
Si Duque ay matatandaang kalihim ng DOH noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at naging pinuno rin ng PhilHealth.
Noong administrasyon naman ni dating Pangulong Noynoy Aquino, si Duque ay nagsilbing Civil Service Commission chairperson.