Aabot sa 89 na katao ang nahuli ng Parañaque City Police dahil sa samu’t saring paglabag sa kanilang City Ordinance.
Karamihan sa mga naaresto ang mga nag-iinuman sa kalsada, mga nagsusugal, mga menor de edad na hindi sumunod sa curfew at mga personalidad na mayroon nang standing warrant.
Ayon kay Police Senior Supt. Leon Victor Rosete, kaiba sa mga nauna nilang operasyon, mas kakaunti lamang ang mga nahuli ngayon ng kanilang kapulisan.
Dati kasi ay pumapalo sa mahigit 120 ang mga kanilang mga nahuhuli.
Paliwanag ni Rosete, posibleng nadala na ang mga pasaway sa kanilang lungsod at ayaw nang makulong ng mga walang pambayad ng multa.
Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, 58 dito ay mga nag-iinuman sa pampublikong lugar, 5 ang nahuling nagsusugal at 6 ang may warrant na may kinalaman sa illgal drugs, estafa, robbery and snatching, at falsification of public documents.
Samantala, 9 naman sa mga motorskilo ang nakumpiska ng Parañaque Police dahil sa kakulangan ng dokumento.
Labinganim na barangay ang sinuyod ng Parañaque police sa kanilang operasyon na nagsimula ng alas-10:00 ng gabi.
Nasa P500 naman ang multa ng mga nahuli at sa mga bigong makakapagbayad nito ay makukulong ng 5 araw para sa first offense.