Sa kaniyang inilabas na pahayag, iginiit ni Floirendo na walang katotohanan ang mga paglabag na sinabi ng PDP-Laban na kaniyang ginawa at naging dahilan ng kaniyang pagkakasibak sa partido.
Nakasaad kasi sa notice of expulsion kay Floirendo na tatlo ang violations niya: ito ay ang disloyalty; sowing disunity and discord at using media to air grievances.
Aniya, hindi man lang hiningi ng PDP-Laban ang kaniyang panig kaugnay sa mga nasabing isyu, at na wala naman siyang kaalam-alam sa mga ibinabatong alegasyon ng partisan activities laban sa kaniya.
Dahil dito, binatikos niya ang nasabing desisyon ng partido na aniya’y taliwas sa mga itinuturo at pinaninindigan ng mga bumuo ng grupo.
Kapansin-pansin din aniya na isa sa mga kasalukuyang pinuno ng partido ay gumagawa ng kwento at kasinungalingan para sa pansariling interes at krusada laban sa kaniyang pamilya.
Matatandaang nakaalitan ni Floirendo noong nakaraang taon si House Speaker Pantaleon Alvarez, na nasundan ng imbestigasyon tungkol sa kasunduan ng gobyerno at sa kanilang negosyong Tagum Agricultural Development Co. (Tadeco).
Sa kabila ng pagkakatanggal niya sa partido, sinabi ni Floirendo na buong-buo pa rin ang kaniyang suporta kay Pangulong Duterte.