Ayon sa pangulo, bagaman natapos na ang bakbakan sa Marawi City, hindi dapat maging kampante ang mga tao sa seguridad.
Naniniwala kasi ang pangulo na hindi basta-bastang mawawala ang terorismo sa loob lamang ng lima hanggang pitong taon.
Ani Duterte, nasubukan na ng grupo na magsagawa ng malawakang karahasan pero natalo sila.
“They might, I said, opt for something more than just like a similar violent experimentation with a lone wolf, and the trucks you plow in, drive into a crowd and just kill anybody,” hayag ng pangulo.
Dahil dito pinaalalahanan niya ang publiko na manatiling mapagmatyag sa paligid, at itanim sa isipan na hindi lang sa Pilipinas namamayagpag ang problema ng terorismo kundi pati sa ibang bahagi ng mundo.
Hindi aniya nalalayong maghiganti ang mga teroristang natalo ng pwersa ng gobyerno, kaya dapat mag-ingat ang mga tao at palawakin ang kaalaman tungkol sa mga panganib sa paligid.
“Retaliation and vengeance is not farfetched, so that you might want to just also be ready, not at this time, but I said, raise your awareness of how dangerous the world is today. Even in New York and wherever you go,” ani Duterte.
Sa palagay ng pangulo, sa South America na ang pinaka-ligtas na bansang maaring bisitahin dahil masyado na ring delikado ang pumunta sa Europe.
Sa Europe kasi aniya ay hindi matatantya ng sinuman kung lone wolf ba o anumang uri ng pampasabog ang maaring gamitin sa pag-atake.