(Breaking news) Umabot na sa lima katao ang patay samantalang marami ang sugatan makaraang mawalan ng preno at araruhin ng isang malaking trak ang ilang mga sasakyan sa bahagi ng San Mateo Road malapit sa Batasan sa Quezon City.
Sa kabuuan, tatlong babae at dalawang lalaki na ang nasawi dahil sa aksidente.
Dead on-the-spot si SFO2 Enrique Faigane ng Bureau of Fire Protection, habang nasawi sa ospital si SPO2 Celedonio Caunceran Jr.
Hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala ang iba pang namatay sa aksidente.
Sa paunang report ng mga otoridad, galing sa Port Area at binabagtas ng 22-wheeler truck na may plakang PUW 454 na minamaneho ni Nilo Calimutan ang bahagi Batasan Road ng mawalan ito ng preno.
Kabilang sa kanyang mga binangga ay apat na pribadong sasakyan, ilang mga motorsiklo at isang pampasaherong jeepney na may plakang AEH 792.
Hindi pa batid ng mga otoridad kung mayroon pang ibang nasa ilalim ng naturang trak dahil punong-puno ito ng malalaking mga bakal na ginagamit sa pagtatayo ng mga gusali.
Kabilang naman sa mga sugatan ang mismong tsuper ng trak na ngayon ay nasa custody na ng QCPD Station 6.
Ang mga sugatan sa aksidente ay isinugod sa Saint Matteus Hospital sa Brgy. Banaba San Mateo Rizal at Gen. Malvar Hospital sa Commonwealth Ave. sa QC.
Naglabas naman ng advisory ang Metro Manila Development Authority at ang QCPD sa publiko na iwasan muna ang pagdaan sa lugar ng aksidente dahil on-going ang imbestigasyon at clearing operation sa lugar.