Humingi ng paumanhin si dating US Pres. George H.W Bush sa pamamagitan ng kanyang spokesman dahil sa alegasyon na panghihipo umano sa isang aktres.
Sa isang pahayag, sinabi ni Jim McGrath, tagapagsalita ni Bush na humihingi ng sorry ang dating presidente ng US sa mga babaeng nag-akala na hinawakan nito partikular na ang aktres na si Heather Lind.
Si Lind ay bumida na sa historical drama ng AMC cable television network na “Turn: Washington’s Spies.
Inakusahan ni Lind si Bush ng panghihipo sa kanya sa isang promotional event noong 2014 habang nagpapa-picture kasama ang kanyang misis na si Barbara Bush.
Bukod dito, sinabi din ni Lind na isang dirty joke pa ang binitawan ng dating presidente sa kanya, at habang nagpapa-picture ay muli na naman hinawakan ang likod na bahagi ng kanyang katawan.
Pero itinanggi ni Bush ang naturang akusasyon, at sinabing isa lamang itong ‘friendly pat’ at biro para maging kalmado ang aktres sa picture taking session.
Paliwanag ni McGrath, dahil naka-wheelchair na si Bush, ang naabot lamang nito ay ang lower waist ng mga taong nagpapa-picture sa kanya.
Sa ngayon ay wala pang nagbibigay ng komento sa kampo ng aktres tungkol sa naging pahayag ni Bush.