UST Law Dean Nilo Divina, ikinokonsidera ang pagkalas sa Aegis Juris Fraternity

Ikinokonsidera ni University of Santo Tomas Civil Law dean Nilo Divina na kumalas na sa Aegis Juris Fraternity dahil sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III.

Ayon kay Atty. Estrella Elamparo, abogado ni Divina, nabahala ang kanyang kliyente sa lumabas na mga mensahe sa isang group chat ng kanyang mga ka-brod kung saan pinapakita ang umano’y tangkang cover-up sa kaso ni Atio.

Kumpiyansa naman aniya si Divina na maaabswelto siya sa kasong isinampa laban sa kanya dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Sinabi ni Elamparo na ginawa ni Divina ang lahat ng kanyang makakaya para mapigilan ang pagsasagawa ng hazing sa unibersidad.

Sa katunayan aniya, nagpatupad pa si Divina ng isang polisiya na hindi maaaring magrecruit ng mga first year college student sa anumang organisasyon.

Si Divina ay nahaharap sa mga kasong murder, perjury, obstruction of justice, at paglabag sa Anti-Hazing Law na inihain ng mga magulang ni Castillo.

Una nang iginiit ni Divina na inactive na siya sa Aegis Juris Fraternity simula nang maupo siya bilang dean ng Faculty of Civil Law, walong taon na ang nakalilipas.

Read more...