Punit ang bibig at maga ang mukha sa dami ng bukol ng isang lalaki matapos itong gulpihin sa Barangay Holy Spirit sa lungsod ng Quezon.
Kinilala ang lalaki na si Marvie Caliliw, dalawampung taong gulang, residente ng Veterans at isang electrician sa kanilang lugar.
Ayon sa ina ni Caliliw na si Ellen, naglalakad lamang sila sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at patawid na sana sa overpass nang gitgitin umano ng apat na lalaki.
Gaya ni Caliliw, tila nakainom ang mga ito, dahilan para magkainitan at pagtulungan ang biktima.
Sinigundahan naman ito ng nakababatang kapatid ni Caliliw at sinabing mayroon pang isang lalaking sumama sa pambubugbog.
Ayon pa kay Ellen, hindi umano tumulong ang dalawang mga tanod at pinanood lamang ang gulo.
Ngunit ayon naman kay BPSO Bong De Castro na nasaksihan ang pangyayari, si Caliliw ang naunang manuntok.
Isang lalaki lamang aniya at hindi lima ang nakasuntukan nito.
Dagdag pa ni De Castro, pinigilan nila ang dalawa sa pagbabangayan, ngunit ayaw paawat ni Caliliw.
Samantala, pumirma naman si Caliliw sa blotter sa QCPD Station 6 na hindi na siya magsasampa ng kahit anong reklamo sa mga diumanoy bumugbog sa kanya.