Posibleng bagong witness sa pagkakapatay kay Carl Angelo Arnaiz, lumutang sa CIDG

Kuha ni Justinne Punsalang

Lumantad sa Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region ang mag-live in partner na sinasabing saksi sa nangyari sa pagitan ni Carl Angelo Arnaiz at mga pulis-Caloocan.

Ayon sa tricycle driver at kinakasama nito, nagbaba sila ng pasahero sa Torcillo Street bandang alas tres trenta ng madaling araw ng August 18.

Palabas sila ng C3 nang makita nila na mayroong naghahabulang isang lalaking nakasuot ng itim na jacket at dalawang mas malaking lalaki sa lugar.

Narinig nila na nagpakilalang pulis ang dalawang lalaki.

Matapos nito ay bumunot ng baril ang naka-jacket at nagpaputok sa mga humahabol sa kanya diumanoy mga pulis.

Natakot ang mag-live in partner kaya bumalik sila sa Torcillo kung saan sila nagtago sa loob ng tricycle, habang nakakarinig pa rin sila ng pagpapalitan ng putok ng baril.

Matapos ang putukan ay naghintay sila ng ilang minuto bago lumabas sa kanilang pinagtataguan, at doon na nila nakita ang mga sasakyan ng pulis at nakaharang na police line.

Nasilip nila na nakabulagta at duguan ang lalaki na nang mabalitaan nila ay si Carl Angelo Arnaiz pala.

Ayon sa tricycle driver, hindi niya talaga gustong magsalita tungkol sa kanilang nasaksihan ngunit nangungulit ang kanyang kinakasama na hindi na siya mapakali dahil sa kanyang napapanood sa mga balita.

Samantala, ayon kay Police Senior Supt. Wilson Asueta ng CIDG, tinanggap nila ang pahayag ng mag-live in partner ngunit kailangan pa nilang i-verify kung totoo ba ang sinasabi ng mga ito.

Aalamin rin ng mga otoridad kung ano ang sanhi ng biglang paglutang ng dalawa dahil ilang buwan na ang lumipas simula nang maganap naturang insidente.

Read more...