Arestado ang tatlong magnanakaw matapos manloob ng isang tindahan sa 1031 J. Fajardo Exit corner Batanes St. Sampaloc, Manila.
Kuha sa CCTV ang pagnanakaw ng 3 lalaki na nakilala ng Manila Police District Station 4 na sina Ruben Perez Jr., Ryan Perez at Eduardo Velasquez.
Ayon sa may-ari ng JA Escario General Merchandise na si alyas ‘James’, nagulat na lamang daw siya nang makita niyang sira ang gate at pintuan ng kanyang tindahan pasado alas-10 ng umaga ng Miyerkules.
Nang pasukin ni alyas ‘James’ ang loob nito, sira na ang kaha ng kanyang tindahan na naglalaman ng P69,000 na cash.
Kasama rin sa natangay ang 3 cellphones at 2 check book ng security bank.
Ipinagbigay alam ng biktima sa mga pulis ang insidente kung kaya’t nagkasa agad ng follow-up operation.
Dito na natunton ang isa sa mga suspek na si Ryan na tumayong testigo sa umpisa.
Makaraan kasing ituro ang kanyang mga kasama sa pagnanakaw ay idiniin naman ito ng dalawa na sangkot din siya sa krimen.
Todo tanggi naman si Ryan at sinabing may galit lamang ang kapatid niya sa kanya kaya siya dinamay.