Dahil sa pancit canton, nagbubugbugan ang dalawang lasing sa Loyola St, Sampaloc, Manila.
Sa ulat ng Manila Police District Station 4, lumalabas na magkumpare ang dalawa at nagkainitan makaraang pagtalunan ang pulutan nila sa inuman.
Nakilala ang mga ito na sina Roberto Cruz, 53 taong gulang at Ebbis Dumondon, 44 na taong gulang.
Ayon kay Cruz, nagalit daw siya dahil sa halip na gamitan ng tinidor ay hinalo ni Dumondon ang pancit canton gamit ang kanyang kamay.
Sinita niya aniya ito ngunit hindi nakinig sa kanya.
Dahil dito, lumabas ang tapang ng mga lasing at parehong naghamunan ng suntukan.
Putok ang kaliwang kilay ni Cruz habang sugat sa gitna ng ilong naman ang tinamo ni Dumondon.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa paglabag sa Section 844 ng Manila City Ordinance na Breach of Peace.