Arestado ang isang babaeng miyembro umano ng “Sangla-Tira Scam” sa lungsod ng Maynila.
Sa isinilbing warrant of arrest dahil sa kasong estafa makaraan ang pagdinig ng Korte sa Manila City Hall, dinampot ng mga tauhan ng Manila Police District ang suspek.
Nakilala ang suspek na si Maria Teresa Bautista, 52 anyos, residente ng JP Rizal Street, Brgy. 104, Tondo, Maynila.
Nasa anim na complainant ang lumutang sa MPD kung saan nabatid na umabot sa P800,000 ang natangay ni Bautista.
Ayon kay Yolanda Cristobal, isa sa mga complainant, isinangla ng suspek ang isang bahay sa Tondo sa halagang P100,000 kapalit ang pangako na 5 porsyentong interes na tubo kada buwan.
Ngunit matapos aniya na bayaran sila ng ilang buwan ay hindi na lumutang si Bautista.
Napag-alaman na hindi lang isang beses isinangla ng suspek ang naturang bahay na hindi naman pala niya pag-aari.
Sinabi din ni Cristobal na may iprinisinta umano na titulo ng lupa ang suspek ngunit hindi naman ito nakapangalan sa kanya.