Kaugnay sa nalalapit na paggunita sa Undas, iinspeksyunin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga terminal ng bus.
Ayon kay LTFRB board member at spokesperson Atty. Aileen Lizada, layon ng inspeksyon na matiyak na ligtas sakyan ang mga bus na bibiyahe, lalo’t inaasahang dagsa ang mga pasaherong uuwi sa mga lalawigan para sa Araw ng Kaluluwa.
Sa inspeksyon aniya ng mga terminal, kabilang sa mga iinspeksyunin ay ang bus units at kung may balidong dokumento ang mga ito.
Bukod dito, iche-check ang mga gulong, signal lights, seatbelts, at kung may fire extinguisher.
Iinspeksyunin din ng LTFRB ang loob at labas ng mga terminal, ang mga comfort room o palikuran, at waiting areas na dapat ay mayroong upuang may backrest, well ventilated at accessible sa persons with disabilities.
Sinabi pa ni Lizada na iche-check din ang communication system at public address system, habang dapat may help desk at security personnel sa mga terminal ng bus.
May idedeploy namang dagdag enforcers sa mga terminal sa Pasay, Cubao at Sampaloc, Maynila upang magkaloob ng assistance sa mga pasahero at tumugon sa mga reklamo.
Paalala naman ni Lizada, kailangang nakapaskil ang hotline at reminders sa bawat help desk.
Sa mga hindi makatutugon sa panuntunan o non-complaint terminals, sinabi ni Lizada na papatawan ang mga ito ng show cause order o SCO.