Ayon kay Solano, cardiac arrest ang ikinamatay ni Castillo dahil sa iniinda nitong hypertrophic cardiomyopathy (HCM).
Sa kaniyang counter-affidavit na isinumite sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Solano na malinaw namang nakasaad sa medico legal report na mayroong HCM si Castillo.
Base aniya sa kaniyang pag-aaral bilang isang linsensyadong medical technologist, hindi magreresulta ng HCM ang hazing o anumang pisikal na aktibidad.
Paliwanag niya, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng cardiac failure ang mga pasyenteng may HCM.
Kaya giit niya, kung cardiac arrest ang ikinamatay ni Castillo, hindi hazing ang dahilan nito kundi ang HCM.
Binanggit rin dito ni Solano ang report ni Chief Insp. Mesalyn Milagros Probador na medico-legal officer ng Manila Police District.
Nakasaad kasi dito na ang puso ni Castillo ay “grossly enlarged” at may bigat na 450 grams, o 50 percent na mas malaki sa normal na bigat ng puso ng tao na nasa 300 grams lamang.
Sumasang-ayon aniya ito sa findings na mayroong HCM si Castillo.
Ang HCM ay isang genetic condition kung saan nangangapal ang muscular wall ng puso dahilan para manigas ang heart muscle.