Aalisin na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ban na ipinatupad ni dating Sec. Gina Lopez sa open-pit mining.
Ito’y matapos bumoto ang Interagency Mining Industry Coordinating Council (MICC) para baliktarin ang desisyong ito.
Ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu, majority ng MICC ang bumoto para baguhin ang polisiyang ipinatupad ng DENR kaugnay ng kanilang Administrative Order 2017-10.
Ito’y basta matitiyak na mahigpit na maipatutupad ang mga batas, patakaran at regulasyon kaugnay ng pagmimina.
Aniya, isusumite nila ang resolusyon ng MICC sa Gabinete sa kanilang gagawing pagpupulong sa November 6, at umaasa siyang maiaalis na nila ang nasabing ban bago matapos ang taon.
Maglalabas na lang din aniya ang DENR ng panibagong Administrative Order para sa muling pagbubukas ng mga open-pit mining.
Bukod kay Cimatu, kasama rin sa namumuno sa interagency MICC ay si Finance Sec. Carlos Dominguez III.