Ayon kay provincial environment and natural resource officer Ranulfo Arbiol, ang mga nasabing bangka na gawa sa plywood at pininturahan ng berde ay donasyon mula sa pribadong kompanya na DMCI ay nananatiling nakatabi malapit sa naturang opisina sa Barangay Candahug, sa bayan ng Palo.
Ani Arbiol, ang mga donasyon na ito ay resulta ng pag-apela ni Environment Secretary Ramon Paje sa mga logging concessionaires na tulungan ang mga apektadong mangingisda na nagnanais ibalik ang kanilang pangkabuhayan, at isa aniya sa mga tumugon ay ang DMCI sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga bangkang nagkakahalaga ng P18,000 bawat isa.
Inumpisahan aniya ito i-assemble ng 20 tauhan Nobyembre ng nakaraang taon matapos ipadala ng DMCI ang mga materyales, at natapos ang mga ito Hulyo nitong taon. Ngunit tatlong buwan na ang nakalilipas, hindi pa rin ito naipamimigay sa mga karapatdapat na benepisyaryo.
Ikinakabahala na rin ni Arbiol ang tibay ng mga ito para isabak sa dagat dahil aniya, sa kasalukuyan ay unti-unti nang natatanggal ang pintura ng mga ito at ang harapang bahagi ng mga ito ay nasisira na rin.
Iginiit naman niyang hindi siya eksperto sa ganitong aspeto, pero makikita sa pisikal na itsura nito na hindi na kagandahan ang kondisyon nito maliban na lamang kung aayusin pa ito ng mga makakatanggap na mangingisda na magiging dagdag gastusin pa.
Dagdag pa ni Arbiol, 1,200 na bangka ang ipinangako ng DMCI at wala siyang ideya kung matutuloy pa rin na maisakatuparan pa ang pagkumpleto nito.
Tungkulin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tukuyin kung sinu-sino ang mga benepisyaryo, at ayon sa kanila, humingi na sila ng listahan ng mga pangalan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Marso nitong taon.
Iginiit naman ng isang opisyal ng BFAR na tumangging magpakilala, bagaman hindi nila alam kung para saan ang hininging listahan ng DILG at wala silang alam sa mga nasabing donasyon, nagbigay na sila ng listahan sa ahensya noon pang April 6, 2015.