NCCA, umapela na ipatigil ang itinatayong loading bay malapit sa Sariaya Plaza

mansion-660x440Hiniling ng mga residente ng Sariaya, Quezon sa National Commission for Culture and the Arts na tuluyan nang ipatigil ang pagpapatayo ng isang vehicle loading bay sa kanilang plaza dahil maaari itong magdulot ng pagkasira ng mga heritage buildings at maging sagabal sa vista ng monumento ni Dr. Jose Rizal.

Noong nakaraang buwan, ipinatigil ng NCCA ang konstruksyon ng ilang loading bays sa kahabaan ng Daang Maharlika sa nasabing bayan na proyekto ng Department of Public Works and Highways.

Ayon sa isang residente at isang heritage advocate na si Rina Marquez na kumuha ng cease-and-desist order (CDO) mula sa NCCA, delikado ang mga vibrations na idinudulot ng mga gamit pang-konstruksyon sa mga lumang gusali at bahay na nakapaligid sa plaza.

Aniya, sinabi ng mga heritage specialist na ang konstruksyon at maging ang mga paparadang sasakyan ay ikasisira ng St. Francis of Assisi Parish Church at maging ng kanilang munisipyo na dinisenyo ng kilalang arkitekto na si Juan Arellano.

Napagalaman din niya na nagdulot ng pinsala sa lumang tulay sa Tayabas ang proyektong ginawa malapit doon. Kilala ang tulay na iyon bilang isa sa mga pinakaluma sa bansa.

Iginiit din ni Marquez na ang Sariaya church na itinayo noong 1700s pa ay may mahina nang pundasyon at maaaring hindi kayanin ang pinsalang kaakibat ng mga kalapit na konstruksyon.

Dagdag pa niya, haharang din ito sa view ng monumento ni Rizal na bahagya nang naharangan ng itinayong covered court sa may plaza na natakpan rin ang view ng mga ancestral house sa paligid nito.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga residente sa inilabas na CDO ng NCCA, pero ayon sa kanilang chairman na si Felipe de Leon Jr., patuloy ang kanilang laban sa pagsasawalang bahala at hindi pagsunod sa mga batas na pumoprotekta sa kultura hangga’t hindi permanenteng naititigil ang patuloy na paninira sa heritage structures at streetcapes sa Sariaya.

Read more...