Nanindigan si Retired Special Action Force Chief Director Getulio Napeñas na ang SAF commandos ang nakapaslang sa Malaysian Terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.
Ayon kay Napeñas, may hawak silang solido at ‘credible’ ng mga ebidensya na magpapatunay na ang SAF troopers ang nakapatay kay Marwan sa Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Buwelta ni Napeñas, malaking insulto para sa tinaguriang SAF 44 at mga survivor na sabihing hindi sila ang totoong pumatay kay Marwan.
Hinamon naman ni Napeñas si Moro Islamic Liberation Front chief negotiator Mohagher Iqbal na patunayan na ang target ng operasyon ay namatay na bago pa man dumating ang tropa ng SAF.
Tutal naman aniya ay may inaako ang MILF na ang aide ni Marwan ang pumatay kay ‘Marwan’, sapat lamang na maglabas ng mga ebidensya si Iqbal.
Sinegundahan naman ni Board of Inquiry chairman Police Director Benjamin Magalong ang pahayag ni Napeñas at sinabing naninindigan din sila sa ginawa nilang findings na walang dudang ang SAF commandos ang nakapatay kay Marwan.
Ang ulat na hindi raw ang SAF troopers ang nakagawa ng misyon ay ‘unfair’ lalo’t buhay ang kanilang ibinuwis para maisakatuparan ang trabaho.
Nauna nang lumabas sa ulat ng Inquirer na batay sa investigation report ng MILF, si Marwan ay binaril ng nakahiga at malapitan at ang pag-atake sa kubo ng terorista ay isa lamang ‘drama.’