Ayon kay Task Force Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner, pinaniniwalaang nasagip na ang 20 natitirang sibilyan na bihag ng grupo noong nakaraang linggo.
Aniya, nagawa na nila ang lahat ng magagawa sa pagsagip sa mga hostages at naniniwala silang ang huli nilang nasagip na 20 bihag ay ang mga huling hawak ng Maute Group.
Dagdag pa ni Brawner, sumama pa nga ang ilan sa mga misis ng mga terorista sa mga bihag nang sila ay masagip.
Gayunman, mayroon pa ring ilan na nagdesisyong manatili na lang muna kasama ng kanilang mga asawa habang patuloy na lumalaban sa pwersa ng pamahalaan.
Aniya, ibinigay na nila ang lahat ng pagkakataon sa mga ito para lumabas na kasama ng mga hostage ngunit mas ninais talaga ng mga ito na manatili sa loob ng gusaling pinagtataguan ng gma terorista.
Sakali naman aniyang sumuko ang mga ito, hindi sila ituturing na kalaban at sasailalim rin sila sa psycho-social debriefing tulad ng mga bihag.
Samantala, tiniyak naman ni Brawner na nasa mabuting kalagayan ang mga bihag at nakakausap na nila ang kanilang mga kaanak.