Mga bagong abogado, obligadong magbigay ng libreng serbisyo sa publiko

 

Inoobliga ngayon ng Korte Suprema ang mga bagong abogado na kumuha ng pro bono cases o magbigay ng libreng serbisyo sa publiko.

Sa inilabas na ruling ng Supreme Court noong October 10, nakasaad na kailangan muna itong gawin ng mga bagong abogado bago sila magtrabaho kung saan maniningil na sila para sa kanilang serbisyo.

Gayunman, exempted sa nasabing obligasyon ang mga abogadong anim na buwan nang nagtatrabaho sa executive at legislative branches bago sila kumuha ng Bar exams.

Hindi rin kasama dito ang mga nakatapos na ng “clinical legal education program” o kaya ay iyong mga nakakuha na ng pro bono cases bago sila makapasok sa Bar.

Paliwanag ng SC, ang rekisito na ito sa mga bagong abogado ay para sa interes ng publiko.

Sa ganitong paraan din anila ay mapapatunayan ng mga abogado ang “guarantee of access to adequate legal assistance” sa ilalim ng Konstitusyon.

Layon nitong matulungan ng mga abogado ang mga nangangailangan ngunit hindi makakuha ng tulong legal.

Base sa kautusan ng Korte Suprema, dapat maglaan ng 120 oras ng pro bono legal work ang mga bagong abogado para sa mga mahihirap.

Magsisimula ang pagpapatupad sa patakarang ito sa November 25.

Read more...