Dumalaw na sa burol ng yumaong si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal si Pangulong Duterte ganap na ika-12:05 kaninang madaling araw.
Tulad nang inaasahan, naganap ito matapos ang kanyang pagdalo sa pagtatapos ng selebrasyon ng MassKara Festival sa Bacolod.
Sa kanyang talumpati, tiniyak na ng pangulo na idedeklara niyang holiday ang October 26 na araw ng paglilibing sa Cardinal.
Ito ay kasunod ng paghimok ng mga Cebuano sa pangulo sa pamamagitan ni Presidential Assistant for the Visayas na gawing holiday ang araw sa buong lalawigan upang makapagbigay pugay kay Vidal.
Nagpasalamat naman si Cebu Archbishop Jose Palma sa pagdalaw ng Pangulo sa kabila ng hectic na schedule nito.
Umalis ang Pangulo eksakto 12:33 ng madaling araw at inaasahang babalik na ng Maynila.
Matatandaang noong nakaraang taon, nagcourtesy call ang Cardinal sa pangulo at sinabing hiniling ng pangulo sa kanya ang mga dasal upang gabayan ang kanyang pamumuno.
Ihihimlay ang mga labi ni Vidal sa isang mausoleum sa likod ng sacristy ng Cathedral sa October 26, sa ganap na ika-9 ng umaga.