Inihayag ng United States Embassy dito sa Maynila na patunay ang pagtulong ng Amerika sa pagkumpirma sa pagkakakilanlan ng mga labi ng teroristang si Isnilon Hapilon, na kaalyansa sila ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, binanggit ng embahada ang paghingi ng tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para maisailalim sa eksaminasyon ang DNA sample ni Hapilon.
Ayon sa embahada, isang kinatawan ng kanilang liaison office ang nagdala ng DNA sample ni Hapilon sa Quantico, Virginia para matukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay at opisyal nang makumpirma ang pagkamatay ng terorista.
Anila isa itong halimbawa ng pagsuporta ng US sa kaibigan nitong bansa at kaalyansa laban sa terorismo, tulad ng Pilipinas.
Una nang pinuri ng US Embassy ang AFP sa matagumpay nitong operasyon na ikinamatay ni Hapilon at ng isa pang teroristang lider na si Omar Maute.