Pamilyang tumakas sa gulo sa Marawi, patay sa palo ng martilyo sa Iloilo

 

Patay ang dalawang miyembro ng isang pamilya matapos na hatawin ng martilyo habang natutulog sa kanilang tindahan sa Mandurriao district sa Iloilo City.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Muamar Ditingki, 29-anyos at ang anak nitong limang buwang gulang pa lamang.

Samantala, nasa kritikal na kondisyon naman sa ospital ang maybahay ng nasawing biktima na si Asnifah sanhi ng mga palo ng martilyo sa ulo at katawan.

Napag-alaman na ang pamilya ay mga dating residente ng Marawi City na tumakas kamakailan sa kaguluhan sa naturang lugar.

Ayon kay Chief Insp. Juvy Navales, hepe ng Mandurriao police, natagpuan ang duguang mga biktima sa loob ng tindahan ng mga damit na pagmamay-ari ng pamilya dakong alas 4:15 ng madaling-araw ng Linggo.

Isa namang suspek na nakilalang si Mark Ganava ang hawak ngayon ng mga otoridad.

Sinasabing nakita ang suspek na tumatakas mula sa pinangyarihan ng insidente.

Mariin naman itinatanggi ng suspek na sangkot ito sa krimen.

Read more...