Palasyo, bukas pa ring makipagkalakalan sa mga bansang kasapi ng European Union

Bagama’t una nang inanunsyo ni Pangulong Duterte na hindi na tatanggap pa ng kahit anong grant ang bansa mula sa European Union, mananatili umanong bukas ang Pilipinas sa pakikipagkalakalan sa mga bansang kasapi nito ayon sa Palasyo.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mahalaga pa rin ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at ng 28-member states ng EU.

Gayunpaman, hindi anya bukas ang Pilipinas sa mga aid at grants na may kondisyon.

May karapatan umanong tumanggi ang Pilipinas sa mga aid at grants na may kaukulang kundisyon dahil hindi anya dapat ikompromiso ang soberanya ng bansa para lamang dito.

Iginiit ni Abella na ito ang posisyon ng pangulo sa ngayon.

Nauna na ngang ipinahayag ng Pangulo na hindi “mendicants” o pulubi ang Pilipinas at hindi dapat nadidiktahan ang bansa kaya ipinapuputol niya na ang pagtanggap ng aid mula sa EU.

Samantala, nakatakda namang tumanggap ng 40 milyong piso ang Pilipinas mula sa United States sa pamamagitan ng Interagency Council Against Trafficking in Persons ayon sa DOJ.

Gagamitin ang pondo upang solusyonan ang sexual exploitation at labor trafficking sa mga kabataan partikular sa Metro Manila at Gitnang Visayas.

Read more...