Mula sa halos limang buwan na pakikipagbakan sa Marawi City, sama-samang nag-boodle fight ang mga sundalo ng 1st Infantry Batallion ng Philippine Army makaraang bumalik sa Maynila.
Pinagsaluhan ng mahigit 100 sundalo ang simpleng hapunan na naglalaman ng pritong isda, itlog na pula, talong na may bagong, saging at kanin.
Kasama rin ng ilan sa mga sundalo ang kanilang asawa at anak sa boodle fight.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Lt. Col. Ray Tiongson, simbolismo ng ‘unity’ at ‘camaraderie’ ang boodle fight kung saan mapapakita ang pagsasamasama ng isang unit.
Napakahalagang maituturing ang aktibidad na ito lalo pa’t hindi biro ang pinagdaanan ng tropa ng pamahalaan na sumabak sa bakbakan.
Hunyo ng taon na ito ng isinabak sa Marawi ang mga myembro ng 1st Infantry Batallion ng 2nd Infantry Division.
Sa mahigit 400 na ipinadala, Isa sa kanila ang nasawi at 13 naman ang nasugatan.
Sa ngayon, mamahinga muna sa kani-kanilang mga bahay kasama ng kanilang pamilya ang mga sundalo.