Mayor Gandamra: Patapos na ang giyera, pero mas malaking hamon ang kakaharapin ng Marawi

Presidential Photo

Bagaman patapos ang bakbakan sa Marawi City kasunod ng pagkakapatay sa mga lider ng ISIS-inspired Maute terror group mas malaki at matinding hamon pa ang kakaharapin ng lungsod.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra na ngayong papatapos na ang giyera sa lungsod, mas malaki ang kinakaharap nilang hamon sa rehabilitasyon dahil sa grabeng pinsala na naidulot ng kaguluhan.

“Patapos na po ang giyera sa atin pero mas malaking challenge po ang pag-rebuild sa Marawi dahil sa laki ng pinsala na naidulot ng kaguluhan,” ani Gandamra.

Tiwala naman si Gandamra na bagaman matatagalan ay kakayanin na muling makabangon ng Marawi sa tulong ng lahat.

Sinabi ni Gandamra na maliban sa mga nawasak na bahay, establisyimento at iba pang mga ari-arian, ang giyera ay nagdulot ng dibisyon o pagkakahati-hati at ‘distrust’ sa mga residente sa Marawi.

Inihalimbawa ng alkalde ang pagkakaroon ng isang miyembro ng pamilya na nahikayat na sumali sa teroristang grupo nang hindi nalalaman ng kaniyang mga kaanak.

Matapos ang naidulot ng kaguluhan, mahalaga ayon kay Gandamra na matutukan ng bawat pamilya bawat isa at matiyak wala sinoman sa miyembro nito ang nahihikayat na makilahok sa terorismo.

“Itong giyera ay nag-create ng division at distrust among our people. Halimbawa sa isang miyembro ng pamilya, merong isang nahikayat na mag-participate at hindi nila alam. Sa mga universities and colleges doon mismo may nagre-recruit. Bawat pamilya, dapat matutukan din nila ang kani-kanilang miyembro ng pamilya,” ayon pa kay Gandamra.

Sa ilang araw na lamang na nalalabi sa giyera sa Marawi, nagpasalamat si Gandamra sa lahat ng nagtulong-tulong para makalaya ang lungsod sa mga terorista.

Kabilang na dito ang AFP, PNP, iba’t ibang mga grupo, ang mga mamamayan sa Marawi at lahat ng Filipino sa buong bansa na nag-alay ng dasal para sa lungsod.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...