Arestado ang isang lalaking nagbebenta ng mga hindi lisensyadong mga baril matapos magsagawa ng buy-bust operation ang Criminal Investigation and Detection Group – Detective and Special Operations Unit sa Quezon City bilang bahagi ng kanilang “Oplan Paglalansag Omega”.
Kinilala ang suspek na si Richard Atun Jr., 46-anyos at residente ng Payatas, Quezon City.
Nakuha mula kay Atun ang isang 9mm, caliber 40, at shotgun, bukod pa sa mga bala para sa naturang mga baril.
Nakumpiska rin mula kay Atun ang ilang mga identification cards, katulad ng mga firearm license, Army Reservist ID, at maging tsapa ng National Bureau of Investigation.
Ayon sa inisyal na pagbeberipika ng DSOU, walang nakareshistrong baril sa ilalim ng pangalan ni Atun.
Hindi naman ikinaila ni Atun ang pagbebenta ng mga baril at sinabing kakailanganin niya ang pera para sa gastusin ng pamilya.
Isasailalim sa ballistic examination ang mga baril upang malaman kung nagamit ba ang mga ito sa ibang ibang krimen.
Maging ang mga ID na nakuha kay Atun ay beberipikahin rin ng mga otoridad.
Inaalam rin ng mga otoridad kung mayroong kasabwat si Atun sa kanyang pagbebenta ng mga hindi lisensyadong baril.
Lalaki, arestado dahil sa pagbebenta ng mga walang lisensyang baril | @Justinne24 pic.twitter.com/eYMGLGNiEd
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) October 19, 2017
Lalaki, arestado dahil sa pagbebenta ng mga walang lisensyang baril | @Justinne24 pic.twitter.com/AxuSpID8pk
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) October 19, 2017